Get Adobe Flash player

Ano nga ba ang Demand Side Management Program (DSM)?

 

        Ang DEMAND SIDE MANAGEMENT (DSM) ay isang programa ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Energy (DOE), na naglalayong hikayatin ang mga electricity consumers na gumamit ng kuryente sa tamang oras at paraan, gayundin ang pagtitipid sa pamamagitan ng paggamit ng compact fluorescent lamps (CFL) sa halip na incandescent bulb o pangkaraniwang bombilya.

 

BAKIT AKSAYADO ANG PAGGAMIT NG ORDINARYONG BOMBILYA?

 

      Ang ordinaryong bombilya ay gumagamit ng makalumang pamamaraan ng pagpapailaw na kung saan walumpung porsiyento (80%) ng  enerhiyang ginagamit nito ay sa init lamang napupunta at dalawampung porsiyento (20%) lamang ang napupunta sa pagbibigay liwanag.  Samantalang ang CFL ay lumilikha ng liwanag sa ibang pamamaraan na halos doble ang tipid sa konsumo sa kuryente.

 

ANO BA ANG CFL?

 

     Ang COMPACT FLOURESCENT LAMP o CFL na mas kilala sa tawag na “energy-saver lamp”, ay ginawa na mas matipid sa konsumo ng kuryente, at pang matagalang gamit kumpara sa ordinaryong bombilya. Ang CFL ay may katulad na “screw base” ng isang bombilya na kung saan madali nitong mapalitan ang isang ordinaryong bombilya. Ang CFLs na gamit para sa bahay ay self-ballasted, kung saan ang ballast nito ay kasama na rin sa mismong bombilya.

 

 

GAANO KATAGAL ANG BUHAY NG CFL KUMPARA SA ISANG ORDINARYONG BOMBILYA?

 

   Ang isang dekalidad na CFL ay mas tatagal ng mula sa 5,000 hanggang 8,000 oras. Ito ay lima hanggang walong beses ang haba ng buhay kaysa sa isang ordinaryong bombilya na tatagal lamang mula 750 hanggang 1,000 oras.

 

PAANO MAKAKATIPID SA PAGGAMIT NG CFL?

 

    Ang CFLs ay nangangailangan lamang ng dalawampu hanggang dalawampu’t limang porsiyento (20% - 25%) ng kuryente na konsumo kumpara sa ordinaryong bombilya para sa parehong liwanag. Halimbawa, ang liwanag na naibibigay ng 20-W CFL ay kasing-liwanag ng 100-W na ordinaryong bombilya. Hindi lamang nakatitipid ang mga sambahayan ng libu-libong piso sa paggamit ng CFL, manapa’y nakakatulong pa tayo sa pagpapababa ng pangangailangan ng elektrisidad at ng mga nakakapinsalang polusyon.

 

ANO ANG GLOBAL WARMING AT ANO ANG MAITUTULONG NG CFL PARA MAIWASAN ANG PAGLALA NITO?

 

   Ang GLOBAL WARMING ay ang patuloy na pagtaas ng temperatura sa mundo sanhi ng iba’t ibang uri ng “green house gases” na naiipon sa earth’s atmosphere at nagiging sanhi ng pagnipis ng ating ozone layers.
   Kumpara sa incandescent bulb na nakakadagdag sa global warming sanhi ng ibinibigay nitong init, ang CFL ay nakakatulong naman para maiwasan ang paglala nito.  Dahil sa ibang pamamaraan ang ginagamit nito para makalikha ng liwanag, ito ay environment-friendly sapagkat hindi ito nagdudulot ng matinding init na makakadagdag ng pinsala sa ozone layers.

 

ANO ANG MGA ENERGY LABELS?

 

   Ang energy labels ay kulay dilaw na may logo ng DOE at DTI na naka-tatak sa bawat lalagyang kahon ng produkto at nagbibigay ng impormasyon para sa mga mamimili ukol sa katipirang dulot ng produktong ito. Ang CFL energy label ay nagpapakita ng liwanag na naibibigay (light output), konsumo sa enerhiya (power consumption), liwanag na ibinibigay sa bawat nakonsumong enerhiya (efficacy o efficiency in lumens per watt), at haba ng gamit na itatagal nito (average life in burning hours).

 

Last Updated (Tuesday, 27 March 2012 12:34)